March 18, 2013
The Unleashed Truth about Tejada’s Death
Karapatan ng bawat mamamayan, mahirap o mayaman ang makapag-aral. Karapatan nilang malinang ang kanilang mga kakayahan at talento sa apat na sulok ng silid-aralan – mga talento at mga kadalubhasaan na sa takdang panahon ay maibabahagi rin nila sa iba. Ang edukasyon, ay hindi nasusukat ng kahit na anong halaga ng pera, dahil bawat isa sa atin ay may kakayahang matuto kung bibigyan lamang tayo ng pagkakataong mahubog ang ating mga kakayahan, sa loob man ng paaralan o sa lansangan.
Noong ika-15, 2013, nagulantang ang lahat sa balitang pagpapakamatay ng isang estudyante ng “Behavioral Science” sa UP-Manila. Ang naturang estudyante ay kinilalang si Kristel Pilar Mariz Tejada, labing-anim na taong gulang na kasalukuyang nasa unang taon niya sa kolehiyo. Nakakalungkot isipin na ang buhay ni Kristel, anak ng isang taxi driver at simpleng maybahay ay naging katumbas lamang nang kanyang “tuition fee”, sa nasabing unibersidad na hindi niya nagawang bayaran dahil sa kakulangan ng pagkakakitaan ng kanyang pamilya. Si Kristel ay napilitang tumigil sa pag-aaral sa bisa ng memorandum na “no late payment policy’ ng unibersidad. Ang naturang memorandum ay naipalabas noong Oktubre at nilagdaan ng Vice-Chancellor for Academic Affairs ng pamantasan na si Ginang Marie Josephine De Luna. Napilitang maghain ng “leave-of-absence” mula sa paaralan ang dalaga sa kadahilanang hindi na tinatawag ang kanyang pangalan sa mga klase. Ito ang naging hudyat ng lalo pang pagbaba ng kumpiyansa at tiwala ni Kristel sa kanyang sarili.
Ayon kay Ginang Andrea Martinez, guro ni Kristel, para sa dalaga, ang pag-aaral ay bahagi ng kanyang coping mechanism. Ang pag-aaral para kay Kristel ay hindi lamang simpleng paraan upang maabot niya ang kanyang mga pangarap kundi isa ring paraan upang panandalian niyang makalimutan ang kanyang mga problema. “Kapag nasa paaralan ako, nakakalimutan ko ang problema ko sa bahay at pamilya”, yan daw ang laging sinasabi ni Kristel kay Prof. Martinez.
Ayon kay Mark Frederick Magallanes, Spokesperson ng STAND-IIT, “Marahil ay masasabi nating mababaw ang dahilan ng pagpapakamatay ni Kristel.” Dagdag pa nya, “Subalit kung iisipin at kikilatisin nating mabuti, ang ginawang pagkitil ni Tejada sa kanyang buhay ay repleksyon lamang kung gaano kabulag at kabingi ang ating pamahalaan at ang naghaharing uri sa pagtapak at pagsasamantala sa mga karapatan ng mga taong salat sa buhay; mga taong ginagawa lamang na mga kasangkapan ng mga nasa taas upang lalong umangat.”
“Kung tutuusin, malaking porsyento ng dahilan ng pagkamatay ni Tejada ay ang sistema ng ating edukasyon na kung saan ay imbes karapatan ng bawat kabataan ang mag-aral, nagiging pribelihiyo na lamang ito.” Ayon kay Rochamae Bihag, Secretary General ng STAND-MSU Main.
“Kaya ngayong darating na March 20, 2013, mananawagan ang mga organisasyon ng mga kabataan kasama na dito ang College Editors Guild of the Philippines at League of the Filipino Students upang isulong ang karapatan ng bawat estudyante sa edukasyon. Magkakaroon ng Candle Lighting, March Rally, Leafleting at Poetry Concert sa MSU Main at MSU-IIT.”-Bihag.
Kami sa STAND Party ay kasama sa milyun-milyong mamamayan at libu-libong mga iskolar ng bayan sa pagkundena sa mapaniil, bulok at baluktot na sistema ng gobyerno na nagiging dahilan ng pagiging kumersyalisado ng edukasyon sa ating bansa. Karapatan ng lahat ang makapag-aral at magkaroon ng sapat na edukasyon. Karapatan ng bawat isa, mahirap man o mayaman ang mabigyan ng pantay na pagtingin sa ating mga karapatan! #
For Reference:Mark Frederick MagallanesSpokesperson, STAND-IIT09263109319
Rochamae BihagSecretary General, STAND-MSU Main09106344738
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento